Nais ko sumulat ng isang kwento, likhang-isip, magulo, romantiko. Sapagkat ngayon, inaanod ako ng panaginip. Ngayong gabi, kung kailan naibalik ko ang balanse ng aking daigdig – ng aking kamalayan. Magsisimula ang istorya sa pagkabuhay mula kamatayan.
Ang tauhan: ako at ikaw, mga likhang nilalang mula sa lupalop ng kawalang-muwang, kabiguan, at kamatayan. Bubuhayin tayo ng teknolohiya, ng enerhiya, at pagkadaka’y pagtatagpuin sa isang burgis na kapihan sa kung saang bituka ng lungsod. Mamamangha ako sa halos hindi maiguhit mong kagandahan, at ikaw naman ay sa aking kakisigan. Gabi iyon, malamig ang hanging amihan.
Mahiwaga ang hangin, may nostalgia, habang isinasayaw ang mga dahon sa ating paligid. Ililipad tayo ng hangin sa isang misteryosong parke ng hindi natin namamalayan. Doon, pagsasaluhan natin ang gabi, ang kabilugan ng buwan. Magsisimula ang lahat sa pakiramdam, platonic, telephatic, mainit. Didiktahan ng puso ang dugo at pulso, at tatapikin ang ating isip. Magwawakas sa isang segundong tila isang siglong halik. Subalit bigla tayong paliligiran ng mababangis na aso at nakakapasong alitaptap. Lalansihin tayo ng sanlibong demonyo. Bibingihin tayo ng kanilang mga kahol at bubulagin ng nakasisilaw na liwanag. Magkasabaytayong manghihina, mabibingi, mabubulag, magaapoy, mapapagod. Sa ating pagkalito, tatakbo tayong palayo, malayo sa isa’t-isa. Ako sa silangan, ikaw sa kanluran.
Isasadlak tayo ng mabigat na puwersa sa banig, sa magkabilang espasyo. Habang inaangal ko ang tila bulkan kong lalamunan, nabibiyak na ulo, at nagliliyab na katawan, ikaw nama’y daraing sa pagaalburuto ng iyong tiyan, nanlalamig na pawis at pabugso-bugsong paghinga.Matagal na mapipigtal ang pisikal nating unyon unyon, ang komunyon, ang enerhiya sa ating katawan. Matagal, napakatagal.
Lilipas ang mga araw. Hindi na natin muling mapagsasaluhan ang araw na napakahalaga sa ating eksistensiya – kung kelan mahiwaga ang numerong otso, bilog ang buwan, malamlam na kalangitan. Bibiguin tayo ng pagkakataon. Nanaisin nating magkitang muli at tatangkain pang saksihan ang planetang pula na lumapit sa ating magulong daigdig.
Subalit mahina ako. Sa gabing iyon, hindi ko na kakayaning bumangon sa aking pagkakahiga. Magulo at nanlalata ang aking isip at katawan. Nalilito. Mahina ako kahit gusto ko pa sanang patunayang napakalakas ko, dahil mula ako sa planetang pula, at kaya kong pagtagumpayan ang kahit anong digmaan. Aalis ka. Magkakahiwalay tayo. Tatangkain nating magkitang muli, ngunit pipigilan ng tadhana ang ating pagtatangka. Susundan pa ito ng iba pa, na pipigilan naman ng nakapanlulumo at walang habas na pagulan. Maghihiwalay tayong muli. Magkikitang muli. Paulit-ulit na siklo. Paulit-ulit na pagkabuhay at kamatayan.
Hanggang darating ang isang bukang liwayway, wala sa ating plano, ngunit sasapulin ang sentro, ang sensitibo. Sabi ko, magkikita tayong muli sa isang romantikong pagkakataon. Ibibigay ko ang aking regalo, ang kapirasong papel na nagsasaad ng hindi maiwawaksi kong litanya, pangkasalukuyan, panghinaharap, panghabangbuhay. Pagkatapos nito yayayain kitang magtungong muli sa misteryosong parke, maglalakad-lakad, pag-uusapan ang ating nakaraan, ang masalimuot kong pagkabata, ang angas ko sa buhay, musika, ingay, kahit ano. At ikaw ikukwento mo ang iyong mga karanasan sa loob ng opisina, ang tungkol kina mama, at papa mong nasa Saudi, at ang kaartehan mo.
Ngunit, hindi na ito mahalaga. Hindi ito ang magaganap. Dahil isang bukang liwayway, ikaw na mula sa kanluran ay pupunta sa silangan. Hindi ko aasahan ang iyong pagdating. Yayapusin kita ng mahigpit. Yayayain mo akong tangkaing magbalik sa nakaraan. Papayag ako. At muling magsisimula ang ating istorya – mula sa pagkabuhay mula sa kamatayan, sa isang gabi sa burgis na kapihan, at sa parke. Ngunit babaguhin natin ang ating kapalaran. Lalabanan natin ang mababangis na aso at nakapapasong alitaptap, at pagkadaka’y papaslangin ang mga mapanlansing demonyo. Magtatagumpay tayo habang magkakapit ang kamay, ng pinagsamahang enerhiya.
Mula rito’y magkasabay tayong lalakas, makikinig, mamumulat. Pipigilan natin ang pagkapigtal ng ating unyon. Iwawaksi ang paghihiwalay at muling pagkikita, ang muling pagkikita at paghihiwalay. Lalawig tayo. Walang katapusan. Habang patuloy nating babasagin ang siklo.
*para kay ayie
**** By my hubby JP
No comments:
Post a Comment